Miyerkules, Setyembre 16, 2015

Magpakailanman

Lahat ng tao sa mundong ito ay nagnanais na magkaroon ng tunay na kaibigan. Kaibigang magiging parte ng ating buhay. Kaibigang mayroong napakalaking marka sa ating mga puso. At kaibigang hindi ka iiwanan magpakailanman. Kaibigan. Ano nga ba ang kahulugan ng salitang ito? Para sa akin, ang kaibigan ay parang unan na pwede mong yakapin kapag masayang-masaya ka at pwede mong iyakan kapag malungkot ka. Mayroong iba't ibang katangian ang aking mga kaibigan. Isa na dito ay mapagkakatiwalaan. Napakahalaga ng katangiang ito dahil alam naman nating may mga bagay na hindi natin masabi sa ating pamilya. Alam kong ligtas sa kanila ang aking mga sikreto. Hinding-hindi nila ito ipagsasabi kahit na ano pa ang mangyari. Ang isa pang katangian ng kaibigan ay maaalalahanin. Asahan mong sila ang unang taong babati sa'yo sa iyong kaarawan. Hinding-hindi din sila mawawala sa mga importanteng okasyon at pangyayari sa iyong buhay. Ang kaibigan ay maaasahan, nandiyan lamang sila palagi para sa akin at sasamahan ako hindi lang puro sa saya kundi pati din sa lahat ng mga problemang kahaharapin ko. Sila 'yung mga taong pipilitin akong pangitiin kapag malungkot ako na kahit magmukha pa silang katawa-tawa sa harap ng madaming tao ay ayos lamang. Napakakomportable sa pakiramdam kapag kasama natin ang ating mga kaibigan. 'Yung tipong hindi kayo maubusan ng kwento at minsan pa nga ay pinagtatawanan niyo pa ang mga napakaliliit na bagay. Kapag kasama ko ang aking mga kaibigan pakiramdam ko'y may sarili kaming mga mundo at sa simpleng tinginan lamang, kami na ay nagkakaintindihan. Ang sarap sa pakiramdam kapag kasama ko sila. Nagiging totoo ako sa aking sarili at hindi ko kailangang itago ang tunay na ako. Kapag kasama ko sila, parang panandaliang nawawala ang lahat ng aking mga problema. Ang isang kaibigan ay matapat na sasabihin sa iyo ang iyong mga kamalian hindi para saktan ka kundi para maitama mo iyon. Ang mga payo nila ay para din sa iyong ikabubuti at sariling kapakanan. Ipagtatanggol ka nila sa mga taong nanakit sa'yo sapagkat ayaw na ayaw nilang makita kang inaagrabyado ng iba. At ang pinakaimportantemg kaibigan ay ang kaibigang tanggap ka kung sino ka at anong meron ka. Hindi naghahangad ng kapalit sa mga bagay na naitulong nila sa iyo. Kahit ano pa ang estado ko sa buhay, alam kong tatanggapin nila ako sapagkat sila ay aking kaibigan. Tulad ng ating ina, sila'y nandiyan para tayo'y alagaan, ama na handa tayong gabayan at para din natin silang kapatid na masasandalan sa oras ng ating pangangailangan. Kapag ang iyong kaibigan ay may mga ganitong katangian, asahan mong hinding-hindi ka nila iiwanan magpakailanman. Napakasuwerte ko't mayroon akong mga kaibigang hindi man perpekto ngunit alam kong mahal ako ng buong puso. Hindi din maiiwasang magkaroon ng mga hindi pagkakainitindihan at nauuwi sa tampuhan ngunit ganun pa man, sa huli ay hindi pa din matitiis ang isa't isa dahil parang hindi kompleto ang araw natin kung wala sila. Dapat lamang nating pahalagahan ang ating mga kaibigan tulad ng pagpapahalagang ipinapakita nila sa atin. Hindi lang sila ang nararapat na magkaroon ng ganitong mga katangian, marapat lamang na iparamdam din natin sa kanila iyon. Mahal na mahal ko ang aking mga kaibigan. Para na ding pamilya ang turing ko sa kanila. Handa akong magsakripisyo para lamang sa kanila at gagawin ko ang lahat upang maramdaman nila kung gaano sila kahalaga sa akin. Kapag tayo'y may kaibigan, hinding-hindi nating mararamdamang tayo'y nag-iisa sapagkat alam nating may taong nandiyan lamang at hindi tayo iiwanan magpakailanman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento