Miyerkules, Setyembre 16, 2015
Sabado at Linggo
Ala-sais ng umaga, ako'y medyo inaantok pa. Nakakatamad pang bumangon ngunit kailangan ko ng simulan ang gawaing bahay na nakaatas sa akin. Agad akong tumayo sa aking kama, naghilamos at uminom ng dalawang basong tubig. Habang nakasalang pa ang aking sinaing, ako muna'y nagwalis ng kalahating parte lamang ng aming bahay sapagkat mahimbing pang natutulog ang aking magulang at mga kapatid. Pagkatapos kong magwalis, inihanda ko na ang mga kasangkapan ng ulam na aking lulutuin at sinimulan ng magluto. Habang ako ay nagluluto, lumapit sa akin ang pupungas-pungas ko pang kapatid at nagpatimpla ng gatas. Nang matapos akong magluto, agad ko ng inihanda ang pagkain sa hapag-kainan at saktong gising naman ng aking mga magulang. Pinauna ko munang kumain ang aking ina at ako muna ang nag-alaga sa siyam na buwang gulang kong nakababatang kapatid. Nang matapos ang aking ina sa pagkain, ako na lamang ang natira sa mesa at mag-isang kumain. Pagkatapos kong kumain, agad kong hinugasan ang aming mga pinagkainan sapagkat maglalaba pa ako. Halos tatlong oras akong natapos sa paglalaba ng mga damit. Pinanlinis ko sa aming banyo ang ang pinagbanlawan ng mga damit at dumeretso na sa pagligo. Dahil alas-onse na ng umaga, ako'y nagsaing na muli at naghanda ng mga kasangkapan. Ganap na alas-dose ng tanghali ng ihanda ko ang pagkain sa mesa at tulad ng nakasanayan, pauunahin ko uling kumain ang aking ina. Nang matapos kong hugasan ang aming pinagkainan, ako'y pumunta na sa aking kwarto upang gawin ang aking takdang-aralin. Tiningnan ko ang aking telepono at laking-gulat ko sa mensahe ng aking kagrupo na may pagsasanay pala kami para sa aming presentasyon sa MAPEH. Alas-tres na ako ng hapon ng makarating sa labas ng paaralan na ginanapan ng aming pagsasanay. May kasamang kwentuhan at kulitan ang aming pagsasanay. Umuwi ako ng alas-kwatro sa aming bahay at naabutan ko ang aking pinsan at tiyahin na mayroong dalang meryenda na sabay-sabay naming pinagsaluhan. Ala-sais na ng hapon ng ako'y magsaing at magluto. Ganap na ala-syete ng ako'y matapos. Hindi gusto ng aking ama ang ulam kaya kahit umuulan at malapit na mag-alas-otso, nag-boluntaryo na lamang akong bumili ng manok sa Pagrai. Napakalamig sa daan at napakadulas pa kaya dinahan-dahan ko lang talaga ang paglalakad dahil ayokong madulas. Nasa kalagitnaan ako ng paglalakad ng makasalubong ko ang kaklase kong si Victoria Medina at agad ko siyang niyakap dahil sa tinding lamig na aking nadadama. Nag-usap kami ng kaunti at dumeretso na ulit sa paglalakad. Nasa gilid ako ng daan at takot pang tumawid. Naghihintay ako ng taong tatawid, at pasimpleng sasabay nalang dito. Mahigit sampung minuto na ngunit di pa din ako nakakatawid. Mayroong lalaking nakapayong na nasa edad ko ang patawid ng kalsada kaya kahit nahihiya kinausap ko siya at sinabing sasabay ako sa kaniyang tumawid. Nagpasalamat ako at bumili na sa Andok's. Nang pauwi na ako, lalo pang lumakas ang ulan kaya nakarating ako sa bahay na basang-basa. Pagkatapos kong kumain at maghugas ng plato, sa wakas ako'y nakatulog na at nakapagpahinga.
Ang araw ng Linggo ay hindi nalalayo sa araw ng Sabado. Pagkagising ay nagsaing, nagluto, at naglinis lamang ako. Noong araw na iyo'y nakapahinga ako sapagkat tapos ko na ang ibang mga gawain kahapon. Pagkatapos mag-agahan at mananghalian, ako'y nagkulong na lamang sa kwarto at nagbasa ng mga istorya sa Wattpad. Sobra talaga akong naaaliw dito. Ito'y magandang pampalipas oras. Medyo sumasakit na ang aking mata kaya napagdesisyunan kong matulog nalang muna. Alas-sais na nang ako ay magising kaya agad akong nagsaing at nagluto. Nauna na kaming kumain sapagkat alas-dyes pa ng gabi ang uwi ng aking ama galing sa trabaho. Hinintay ko lamang umuwi ang aking ama para ipaghanda siya ng pagkain bago ako pumunta ng aking kwarto. Ganap na alas-onse ng ako'y magdesisyong matulog. Simula na naman ng klase bukas.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento