Miyerkules, Setyembre 16, 2015
Reyalidad sa Panaginip
Lahat tayo ay nagkakaroon ng panaginip. Mayroong masaya at meron din namang nakakatakot. Ngunit paano kung mayroon kang kakayahang manipulahin ang iyong panaginip? 'Yung tipong ikaw ang magpapatakbo sa lahat ng mga pangyayari. Kaya mong gawin lahat kahit ang pagpapatakbo ng isip ng iba. Sa panaginip na iyon, ikaw ang bida. Ikaw ang masaya. Maganda nga ba ang magiging dulot nito sa'yo? O paasahin mo lamang ang sarili mo sa mga bagay na alam mong hanggang sa panaginip lamang?
Ang aking paboritong maikling kwento ay ang LUCID DREAM ni Alyloony. Ang kwentong ito ay tungkol sa isang dalagang si Angelique na kayang kontrolin ang kanyang mga panaginip. Napakaganda ng kwentong ito dahil mapapaisip ka talaga sa bawat yugto ng kwento. Habang ito ay aking binabasa, pakiramdam ko ay nandoon din ako sa loob ng kwento. Habang si Angelique ay nasa kanyang panaginip, may isang lalaki doon na hindi naman binuo ng kanyang imahinasyon at hindi tulad ng mga ibang tao sa kanyang panaginip, hindi niya kayang kontrolin ang lalaking ito. Ito ay si Caleb na naglalakbay sa iba't ibang panaginip. Noong una ay nais na paalisin ni Angelique si Caleb sa kanyang panaginip sapagkat nanggugulo lamang ito doon ngunit sa huli'y naging mabuti silang magkaibigan. Habang tumatagal, ang mga pangyayari sa panaginip ni Angelique ay nagiging reyalidad. Napakasaya talaga ng daloy ng kwento. Interesadong-interesado ako sa bawat pangyayari. Ang naging wakas nito ay isang palaisipan at talagang nakakabitin ngunit ganun pa man, ito pa din ang pinakamagandang maikling kwentong nabasa ko. Sapagkat sa simpleng panaginip lamang, nagbago na ang lahat.
Ang ating panaginip ay mayroong kahulugan. Magmula ng mabasa ko ang kwentong ito, para bang nais ko din magkaroon ng kakayahang manipulahin ang panaginip ko. Na kahit sa panaginip man lang ay maging malaya at masaya ako. Ngunit napag-isip isip ko na bakit pa ako aasa sa panaginip kung pwede ko naman itong gawing REYALIDAD.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento